MANILA, Philippines - Pormal na hiniling ni Gotesco Investment Inc. (GGI) President Jose Go ang maagap na pag-aksyon ni Supreme Court (SC) Chief Justice Reynato S. Puno sa kaso ng Ever Gotesco Grand Central Mall at Caloocan City government.
Sa kanyang liham sa SC chief, iginiit ni Go na maihahalintulad sa isang bomba na maaaring sumabog anumang oras ang sitwasyon sa nasabing shopping mall lalo’t may impormasyon silang nakalap na deter minado umano ang Caloocan City Government na kunin ang pamamahala nito.
Partikular na pinatitignan ng GGI ang March 6, 2009 decision ni Caloocan RTC Branch 126 Judge Oscar Barrientos na pumabor sa petisyon ng Caloocan City Government na kunin nito ang naturang shopping mall.
Subalit binigyan-diin ni Go na nauna rito ay nagpalabas ng injunction order ang Manila RTC noong Dis yembre 24 ng nakaraang taon na pumipigil sa mga opisyal o sinumang kinatawan ng nasabing lokal na pamahalaan na i-take over o ipasara ang Gotesco mall.
Dahil ibinasura ng Manila RTC ang mosyon ng Caloocan City government para ipawalang-saysay ang injunction order at hindi rin ito dumulog sa Court of Appeals (CA) naniniwala si Go na may bisa pa rin ang nasabing kautusan pabor sa kanila.
Habang wala pang desisyon ang CA sa kanilang petisyon na nagpapawalang-saysay sa desisyon ni Barrientos, hiniling din ng GGI na magpalabas muna ng ‘status quo order’ ang high tribunal. (Butch Quejada)