Pinas delikadong lugar sa media - CPJ

MANILA, Philippines - Mas delikado pa umano sa Iraq ang Pilipinas para sa mga taga-media.

Ayon sa Committee to Protect Journalists (CPJ), sapat na ang muling pagpatay sa Mindanao radio reporter noong isang linggo para ideklara ang Pilipinas bilang ‘the most dangerous place in Asia to work as a journalist’.

Ayon sa CPJ, mahigit limang journalist ang napatay sa Pilipinas noong isang taon, kung saan ang tatlo ay mga radio commentators.

Anila, batay sa pagsusuri nila na isinagawa noong isang taon, pang-anim ang Pilipinas sa pinakade­likadong lugar para sa mga journalist sa buong mun­do, at nangunguna naman sa buong Asia.

Nangyayari ito dahil walang naaarestong suspek sa pagpatay sa  journalist kahit na ng sinumang nana­kit sa mga journalist ay walang napaparusahan kayat lumalakas ang loob ng mga kriminal na gawin ang pagpatay at pananakot sa mediamen.

Ayon kay CPJ Asia program coordinator Bob Dietz, nanghihinayang sila sa katapangan ng mga journalist sa Pilipinas dahil pinapatay lamang ang mga ito.

Matatandaang ang huling biktima ng media killing ay si commentator Nilo Labares, head reporter ng dxCC Radio Mindanao Network. Noong March 5, dalawang lalaki ang bumaril kay Labares malapit          sa kanyang bahay. 

Ngayong 2009, dalawang journalist na ang napa­patay sa Mindanao. (Angie dela Cruz)

Show comments