MANILA, Philippines - Inalarma ng Bureau of Food and Drugs (BFAD) ang publiko at mga retailer na huwag ibenta ang ilang batch ng peanut butter spread na nagpositibo sa Salmonella kasabay ng kautusang bawiin ito sa merkado.
Sa health advisory ng BFAD, inutos nito ang agarang recall ng dalawang batch ng Yummy Sweet and Creamy Peanut Spread 224 grams at 490 grams na may batch numbers 3040905 at 11240810 at ‘best before o expiry dates’ dates na 90409 at 52409.
Inatasan din ang Samuya Food Manufacturing, Inc., na nasa Pasay City ang factory, na itigil ang pagsusuplay ng nasabing batches ng peanut spread bunsod nang pagkakadiskubre na positibo ito sa Salmonella, ayon sa ipinadalang liham ng BFAD noong Marso 12, 2009.
Ang salmonella ay isang organism na maaaring maging sanhi ng impeksyon, lagnat, diarrhea, pagsusuka, pagkahilo at pananakit ng tiyan.
Sinumang nakakain ay maaring gumaling sa loob ng 2 hanggang 3 araw at kung magtutuloy-tuloy pa ay komunsulta sa doktor at huwag hayaang ma-dehydrate sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig upang mapalitan ang nawawalang likido sa katawan na maaring mauwi sa kamatayan. (Ludy Bermudo)