'Killer buwaya' hulihin nang buhay - DENR
MANILA, Philippines - Ipinag-utos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Caraga sa mga tauhan nito na hulihin lamang at huwag papa tayin ang dambuhalang buwayang pumatay sa isang 12-anyos na bata sa Agusan nitong nakaraang araw.
Ayon kay DENR-Caraga spokesperson Eric Gallego, hindi maaaring pa tayin ang tinaguriang ‘killer buwaya’ dahil bahagi ito ng ecology at ang pinakamabuting magagawa ng DENR ay dalhin ito sa crocodile farm ng Davao o kaya’y sa Palawan.
Ang batang nasakmal ang ulo ay si Rowena Romano, mag-aaral ng Floating School sa Agusan del Sur at natagpuan ang katawan nito kahapon na lumulutang sa tubig ngunit wala na itong ulo.
Ligtas naman ang mga kasama nitong mag-aaral nang makapunta sa pampang makaraang itaob ng buwaya ang sinasakyan nilang bangka.
Una nang inutos ng lokal na pamahalaan ng Bunawan Agusan del Sur na lisanin muna ng mga tao ang naturang lugar habang hindi pa nahuhuli ang killer buwaya na sinasabing may 30 talampakan at kayang kumain ng dalawang tao sa loob ng isang araw.
Hindi rin umano ito kayang hulihin ng kahit 10 tao, kaya naghanda na ng isang malaking team ang DENR upang magsanib pwersa sa paghuli sa nasabing buwaya.
Ang insidenteng ito ay nakaapekto sa kabuhayan ng mga Tausug, isang tribo sa Mindanao na naninirahan sa bahay na bangka sa ibabaw ng katubigan sa rehiyon. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending