MANILA, Philippines - Posible umanong bahagi ng layuning siraan ang San Miguel Corporation (SMC) ang pagpupumilit na isalang sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga opisyal ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) para pagpaliwanagin hinggil sa mga naging ‘investments’ ng naturang korporasyon.
Ayon kay KAMPI Rep. Alfredo Maraon III, vice-chairman ng House Committee on Agriculture, kuwestyunable ang ‘timing’ sa pagdinig na ito, na itinakda sa susunod na linggo kung saan nakabakasyon pa ang Kongreso.
Inanunsyo ng SMC ang plano nitong ibaba ang presyo ng gasolina at kuryente sa pamamagitan ng mga ipinasok nitong bagong pamumuhunan partikular sa Lopez-controlled Meralco at Petron Corporations.
Binalaan din ng kongresista ang iba pa niyang kapwa miyembro ng Lower house na huwag magpagamit sa hakbangin para lamang wasakin ang isang indibidwal, grupo o maging ang kompanya gaya ng SMC. (Butch Quejada)