MANILA, Philippines - Ipinaalala kahapon ng ilang senador kay Speaker Prospero Nograles Jr., na apektado ang imahe ng buong House of Representatives dahil sa alegasyon na utak sa pagpapa-imprenta ng pekeng pera ang isang kongresista.
Ayon kay Senate Minority Floor Leader Aquilino “Nene” Pimentel Jr., dapat aksiyunan agad ni Nograles ang nasabing isyu at kilalanin kung sino ang nasabing mambabatas.
Sinabi ni Pimentel na magiging unfair sa iba pang kongresista mula Visayas region kung hindi ilulutang ng liderato ng Kamara ang mambabatas na nagpapalimbag ng mga pekeng pera.
Ang nasabing congressman ay kumakatawan umano sa Samar.
Naniniwala si Pimentel na malalagay sa alanganin ang reputasyon at integridad ng buong Kongreso kung hindi kikilalanin ang congressman.
Sinasabing preparasyon sa 2010 election ang pagpapa-imprenta ng mga pekeng pera. (Malou Escudero)