Cebu City , Philippines - Siniguro kahapon ni Pangulong Arroyo na walang magaganap na pagbabawas sa mga kawani ng pamahalaan kahit may krisis.
Sinabi ni Pangulong Arroyo sa kanyang mensahe sa Kiwanis Club na ginanap sa Waterfront Hotel sa lungsod na ito, walang sinumang empleyado ng gobyerno ang masisibak sa trabaho dahil sa ipapatupad na rationalization program.
Sa halip anyang magbawas ay inatasan na lamang nito ang Budget department na hintayin na lang magretiro ang empleyado bago alisin ang kanyang posisyon.
“If an employee occupying a position that has been declared redundant opts to stay in government service, the position shall only be abolished upon the regular retirement of the employee,” dagdag pa ni Mrs. Arroyo.
Ipinaliwanag naman ni Budget Secretary Rolando Andaya Jr., kung ang empleyado ng gobyerno na mayroong redundant position ay puwede ring magretiro o kung gusto pa niyang manatili sa government service.
Naglaan na ang pamahalaan ng P1 bilyon na appropriations sa 2009 national budget para sa mga nagnanais na maagang magretiro sa sandaling ipatupad ang rationalization program kung ang kanyang posisyon ay “redundant”. (Rudy Andal)