MANILA, Philippines - Target umano ngayon ng asasinasyon ang mga opisyal ng pamahalaan dahil sa nalalapit na halalan kaya nagbabala kahapon ang Malacañang sa mga tauhan nito na magdoble-ingat dahil sa sunud-sunod na insidente ng pag-ambush, ang huli ay kay Department of Public Works and Highways Undersecretary Ramon Aquino noong Miyerkules ng hapon sa harapan mismo ng DPWH main office sa Port Area, Maynila.
Ayon kay Press Secretary Cerge Remonde, pinaigting na ng Philippine National Police sa ilalim ni PNP chief Jesus Versoza ang police visibility dahil baka maulit ang nangyari kina Aquino, LTO Director Camilo Guarin, Philippine National Construction Corp. Investigator Rolando Serrano at MMDA Director Roberto Esquivel. na magkakasunod na tinambangan.
Kasabay nito ay nanawagan para sa kapayapaan si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)-Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA) Chairman at Caloo can Bishop Deogracias Iñiguez.
Ayon kay Iñiguez, ang mga naturang sunud-sunod na karahasan ay hindi magandang senyales sa estado ng kaayusan at kapayapaan ng bansa.
Binigyang-diin din nito na dapat na maging mas vigilante ang mga awtoridad at ipakita naman ang kanilang kakayahan sa pagbibigay ng seguridad sa publiko.
Matatandaang si Aquino ay tinambangan isang araw matapos na patayin si Guarin sa Quezon City, at isang linggo matapos na ambusin si Serrano sa Cabuyao, Laguna.
Mapalad naman at hindi sakay si Esquivel nang tambangan ang kanilang sasakyan ngunit minalas na ang anak niya ang madamay at masugatan sa insidente sa San Pedro, Laguna noong nakaraang buwan.