Lupa sa Pinas tigang, wala ng sustansiya
MANILA, Philippines - Nagpahayag ng pangamba ang isang koalisyon ng mga non-government organizations na tuluyan nang matigang at mawalan ng sustansiya ang mga lupang sakahan ng bansa dulot ng tinaguriang “fertilizer fatigue” na bunga ng patuloy na paggamit ng kemikal na pataba.
Ayon kay Jaime “Ka Jimmy” Tadeo, spokesman ng Go Organic, noon pang 1999 nakapagpalabas ng pag-aaral ang Philippine Rice Research Institute (PRRI) at Benguet State University (BSU) na nagkukulang na sa sustansiya ang ating lupa.
Lumilitaw sa pagsusuri nila na 91percent ng lupa ay multiple nutrient deficient at bunsod nito, ang mga palayan ay hindi na gaanong produktibo na matamnan ng pananim.
Nawawala na umano ang organic matter ng ating kalupaan na siyang bumubuhay sa ating mga lupang sakahan at nagbibigay sustansiya sa ating kinakaing produktong agricultural.
Bunsod nito, sinisisi ng grupo ni Tadeo sa walang patumanggang paggamit ng kemikal na pataba ang unti-unting pagkasira ng ating lupa na ngayon ay nakakaapekto na sa ating agrikultura at kalikasan.
Anya, ito ang nag-uudyok sa kanilang grupo na isulong ang pagbabalik natin sa organikong pagsasaka at gamitin ang organikong pataba sa ating mga lupa upang mapigilan ang tuluyang pagkasira ng lupa sa kasalukuyan. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending