MANILA, Philippines - Tinanggihan ng Philippine National Red Cross (PNRC) ang hinihinging P50M ransom ng Abu Sayyaf Group upang mapalaya ang tatlong volunteer ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na dinukot ng mga rebelde sa Sulu noong Enero.
Iginiit ni PNRC Chairman Sen. Richard Gordon na matagal na niyang sinabi sa mga kidnapper na wala silang makukuhang pera sa Red Cross.
Hindi rin umano maaring magbigay ng ransom ang PNRC sa mga rebelde dahil tuloy pa rin ang kanilang pagsisilbi sa mga mamamayan sa Mindanao.
Base sa mga naunang balita, sinabi ni Cotabato City Mayor Muslimin Sema na P50M ang hinihinging ransom ng ASG upang mapalaya ang tatlong ICRC volunteer.
Ngunit ayon kay Gordon, personal siyang nakipag-usap sa ASG, wala umano itong hinihinging ransom kundi iatras lang mga tropa ng militar sa kanilang lugar.
Itinanggi rin ni Gordon ang balitang pinaghiwalay ng hideout ng ASG ang mga biktimang sina Swiss Andreas Notter, Italian Eugenio Vagni, at Pinay na si Mary Jean Lacaba, na kanyang nakausap at kumumpirmang sila ay magkakasama.
Una nang nanindigan ang Malacañang na ipapatupad pa rin ang “no ransom policy” ng gobyerno.
Sinabi ni Press Secretary Cerge Remonde, hindi yuyuko ang gobyerno sa sinasabing demand ng Abu Sayyaf. (May ulat ni Rudy Andal)