MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng Caloocan City Government na magiging “business as usual” para sa mga stall owner at nangungupahan sa Ever Gotesco Grand Central Mall sa kahabaan ng Rizal Avenue Extension matapos nitong siguruhin ang pagkakaroon ng panibagong kontrata sa lahat ng mga kasalukuyang negosyo sa napipintong pag-okupa nito sa naturang establisyemento.
Binigyang-diin pa rin ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang nauna nitong pahayag na hindi pababayaan ng pamahalaang lungsod ang kapakanan ng may 300 na nangungupahan pati na rin ang kanilang mga empleyado.
“Walang dapat ikabahala ang mga may pwesto sa naturang mall dahil magkakaroon lamang tayo ng panibagong kontrata sa kanila tulad ng sa mga dating administrador ng mall,” pahayag ng alkalde.
Sinabi pa ni Echiverri na tagumpay ng city government ang naunang desisyon ng korte na pumabor sa pamahalaang lungsod alinsunod sa seryosong kampanya nitong pataasin ang koleksiyon ng buwis at habulin ang mga tax evader.
Bukod pa rito, nagpahayag din ng tiwala si Echiverri na malamang katigan ng Korte Suprema ang city government sakaling makarating doon ang apela ng Gotesco. (Lordeth Bonilla)