MANILA, Philippines - Pinatawan ng multa ng Korte Suprema ang isang hukom matapos itong ireklamo ng pagdadala ng baril habang nagsasagawa ng pagdinig sa loob ng kanyang sala.
Si Cebu City Regional Trial court (RTC) Judge Eric Menchavez ng branch 21 ay pinatawan ng multang P10,000 ng Korte Suprema matapos ini reklamo ito ng isang abugado na nagdadala ng baril at nilalagay niya ito sa kanyang mesa habang nagsasagawa ng pagdinig.
Sa naging imbestigasyon ng Office of Court Administrator (OCA), nagkaroon ng mainit na sagutan si Judge Menchavez sa complainant na si Atty. Antonio Cañeda kaya nagdala ito ng baril habang nagsasagawa ng pagdinig sa sala nito.
Subalit ayon sa Korte Suprema, masyadong napakabulgar at maituturing na conduct unbecoming ng isang hukom ang ginawa nito at binalaan nang mas mabigat na parusa sakaling ulitin nito ang kanyang ginawa.
Iginiit pa ng Korte Suprema na ang ipinataw na parusa sa kanya ay hindi dahil sa sobrang inis at namuong galit nito, subalit sa kabiguan nitong sumunod sa tamang pag-uugali na magkaroon ng dignidad at maging magalang sa loob ng korte.
Samantala pinagsabihan din ng Korte Suprema ang complainant na si Atty. Antonio Cañeda na kung kumakatawan ito sa kanyang kliyente, nararapat na maging magalang sa loob ng korte upang maiwasan ang ano mang aksyon na magdulot ng kawalang respeto. (Gemma Amargo-Garcia)