MANILA, Philippines - Sisilipin rin ng Philippine National Police ang mga karakter ng mga pulis sa mga soap opera sa telebisyon at maging sa mga pelikula alinsunod sa Tamang Bihis Program na ipinatutupad ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa.
Ayon kay PNP Directorate for Police Community Relations Chief P/ Director German Doria, makikipag-ugnayan sila sa mga movie producer at sa mga namumuno sa entertainment sa mga television network upang matiyak na naipatutupad nang maayos ang ‘Tamang Bihis’‘ sa mga karakter na may kinalaman sa mga pulis.
Sinabi ni Doria na, sa Tamang Bihis Program ni Verzosa, ang mga lehitimong pulis lamang ang awtorisadong gumamit ng mga uniporme ng mga pulis at ibinabawal na ito sa mga sibilyan.
Sinabi ni Doria na nais ng PNP na maging sa mga pelikula at soap opera ay magkaroon ng ‘guidance’ ang mga actor at actress buhat sa mga opisyal ng PNP para sa mga karakter na pulis sa kanilang mga ginagampanang role o papel.
Sinasabing naapektuhan rin ang imahe ng PNP kung saan sa isang palabas ay isang heneral ang ginagampanang papel ng isang aktor na di tinukoy ang pamagat at pangalan ng sikat pa manding action star pero ang sinuot nitong uniporme ay gamit ng isang may ranggong Colonel pa lamang.
Inihayag ng opisyal na sa mga ganitong pagkakataon ay pangit umano ang nagiging impresyon nito sa publiko at nakakababa rin ng moral ng PNP. (Joy Cantos)