Legacy may malakas na koneksiyon sa SEC
MANILA, Philippines - Sinabi kahapon ni Carolina Hinola, dating chief operating officer at treasurer ng Legacy Consolidated Plans Inc., na malakas ang koneksiyon ni Sto Domingo, Albay Mayor Celso de los Angeles sa Securities and Exchange Commission.
Sinabi ni Hinola sa kanyang affidavit na matalik na kaibigan ni SEC Commissioner Jesus Martinez si de los Angeles.
Ipinagmamalaki umano ni de los Angeles na matalik niyang kaibigan si Martinez at alam nito ang proble ma ng kanilang kompanya.
Sinabi pa ni Hinola na naging saksi din siya sa pakikipag-usap ni delos Angeles sa opisyal ng SEC.
Katulad ng inaasahan, itinanggi ni Martinez ang akusasyon, pero nanindigan naman si SEC Chairman Fe Barin na magsasagawa sila ng sariling imbestigasyon kung ano ang naging papel ng kanilang opisyal matapos itong tanungin ni Senate President Juan Ponce Enrile.
Sa ikalawang pagkakataon ay sinampahan na rin ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang LCPI sa Department of Justice ng syndicated estafa dahil sa pagkuha ng P487 milyon mula sa mga depositors at pera ng gobyerno. (Malou Escudero at Gemma Garcia)
- Latest
- Trending