Sa pinatay na anak ng NPA commander: 'Militar tutulong sa probe' - Teodoro
MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang brutal na pagdukot, panggagahasa at pagpatay sa gurong anak na babae ng isang kumander ng New People’s Army sa Davao.
Sinabi ni Teodoro na ginawa niya ang utos upang mabatid ang katotohanan sa likod na rin ng paratang ng NPA at ng mga militanteng grupo na mga sundalo umano ang nasa likod ng pagpatay kay Rebelyn Pitao, 21 anyos, anak ni Leoncio Pitao alyas Commander Parago, pinuno ng Pulang Bagani Command ng kilusang komunista.
Tiniyak ni Teodoro na makikipagtulungan ang militar sa imbestigasyon partikular na sa binuong Special Task Force ng Philippine National Police upang mabatid ang katotohanan.
Siniguro niyang kung sakaling lumitaw na may sundalong sangkot sa kri men ay walang magaganap na whitewash, hindi nila ito kukunsintihin at ipatutupad ang karampatang kaparusahan ng batas.
Hindi rin inaalis ni Teodoro ang posibilidad na may mga grupong nasa likod ng krimen na ibig sirain ang imahe ng mga sundalo kaya siyang pinagdidiskitahang nasa likod ng insidente.
Si Rebelyn ay kinidnap ng mga armadong kalalakihan noong Miyerkules ng nakalipas na linggo at natagpuan ang bangkay kinabukasan na nakasuot na lamang ng punit na underwear at may mga saksak sa dibdib sa isang irrigation canal sa Panabo City, Davao del Norte.
Hiniling din kahapon ng peace adviser ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa mga communist rebels na magtiwala sa imbestigasyon ng pamahalaan sa pagkakapaslang sa biktima.
Sinabi ni Presidential Adviser on the Peace Process Secretary Avelino Razon Jr. na kumikilos ang pamahalaan at tinagubilinan ng Pangulo ang PNP at ibang law enforcement agencies na siyasatin ang karumal-dumal na krimen. (Joy Cantos at Rudy Andal)
- Latest
- Trending