MANILA, Philippines - Pinabulaanan ni Social Security System administrator Romulo Neri ang akusasyon ni National Economic Development Authority (NEDA) Director General Ralph Recto na nalugi ang SSS sa stock market.
Ayon kay Neri, kumita kahit paano ang kanilang shares sa stock market ngunit hindi nga lamang ito gaanong kalakihan.
Sinabi ni Neri, ang mga stocks ng SSS ay nabili nila sa murang halaga ilang taon na ang nakakaraan kaya kahit ibenta ngayon sa mababang presyo dahil sa global financial meltdown ay kikita pa rin sila.
Inihalimbawa ni Neri ang shares sa Meralco na nabenta nila ng P90/share noong Disyembre kung saan ang going price nito ay P50. Sinabi pa ni Neri na lahat ng nag-invest sa stock market ay nakaranas ng pagbaba ng kita kung hindi man pagkalugi.
Napakaswerte umano ng SSS na mura nilang nabili ang kanilang stocks kaya kumita sila kahit kaunti lamang.
Matatandaang sinabi ni Recto na nalulugi ang SSS dahil sa pag-invest nito sa stock market na sumadsad bunsod ng nararanasang global financial crisis.
Nais sana ni Recto na paglaanan ng SSS ng economic stimulus package ang mga miyembro nito laluna ang OFW na tinamaan sa global crisis para me magamit na pondo sa panahon ng kagipitan pero sinabi ni Neri na hindi ito kakayanin ng ahensiya. (Angie dela Cruz)