MANILA, Philippines - Putol na ang kaligayahan ng mga opisyal at miyembro ng pulisya na sobrang nahuhumaling sa pagte-text kaugnay ng pakikisakay ng mga ito sa agos ng umuunlad na teknolohiya sa industriya ng cellphone sa bansa.
Ayon kay Police Deputy Directorate for Police Community Relations (DPCR) Chief P/Director German Doria, nagpalabas na ng direktiba si PNP Chief Director General Jesus Verzosa na nagbabawal sa mga pulis na mag-text sa kanilang mga cellphones kapag nasa oras ng pagpapatrulya o kaya naman ay naka-duty.
Ipinalabas ni Verzosa ang kautusan matapos na makarating sa kaalaman nito na maraming pulis ang adik hindi sa droga kundi sa pagte-text bilang pamamaraan ng pakikipag-komunikasyon na makatitipid pa.
“No more texting while on duty, while they (policemen) are on patrol, we prohibit that.“ ani Doria na siyang instruksyon ni Verzosa sa kapulisan.
Ikinatwiran ni Doria na kung ang isang pulis ay nae-engganyo sa kate-text ay hindi na nito magagampanang mabuti ang tungkulin lalo na at sa uri ng trabaho ng ka pulisan ay kailangang handang umaksyon sa lahat ng oras tulad ng pagresponde sa krimen.
Nabatid pa na marami sa mga himpilan ng pulisya ang hindi kaagad napagtutuunan ng mga pulis ang mga indibidwal na nagpapa-blotter dahil sobrang abala ang mga ito sa pagte-text sa kanilang mga asawa, nobya, mga mahal sa buhay atbp.
Ipinaliwanag pa ng opisyal na maari lamang mag-text ang mga pulis kung ito’y may kinalaman sa kanilang trabaho tulad sa Media Relations o yaong mga Public Information Office (PIO) pero dito’y maari ng tumulong ang mga sibilyang empleyado ng PNP sa pagkontak sa mga media kapag may press conferences.
Samantala sa mga sensitibong operasyon hangga’t maari pang gamitin ang mga radio communications ay hindi rin kailangang mag-text pero kung hingin ito ng pagkakataon basta may kinalaman sa trabaho at hindi kung anupaman na simpleng tsikahan lamang na nakakaabala sa serbisyo publiko ay puwedeng magsipag-text ang mga pulis.