MANILA, Philippines - Bawal ang mga binansagang ‘Bebe Gandang Hari“ o yaong mga bading sa pagpasok sa serbisyo ng pambansang pulisya.
“We will not allow any disgraceful act, it’s a prohibition, we don’t recruit gay, men should be men,” ani PNP Directorate for Police Community Relations (DPCR) Chief P/Director German Doria.
“Women should be women,“ ani Doria sa kaso naman ng mga tomboy na posibleng makapasok sa serbisyo kaugnay ng quota na mahigit 7,000 bagong mga pulis na ipinare-recruit ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa sa taong ito.
Sinabi ni Doria na sa pag-aaplay pa lamang sa PNP, ang madedetermi nang mga bading ay hindi na nila binibigyan ng prayoridad gayundin ang mga tomboy.
Sa kaso ng mga tomboy, sinabi ni Doria na sa uri ng hirap na pinagdaraanan lalo na sa field training at klase ng trabaho bilang mga alagad ng batas ay hindi na nila ang mga ito sinisisi kung bakit nagkaroon ng pagbabago sa kanilang kasarian.
Nilinaw ni Doria na kung may bading na nakalusot sa PNP basta nakapasok na sa serbisyo matapos na pumasa sa psychological at neuro test, intelligence quotient (IQ), physical fitness, pagsasanay atbp ay wala ng diskriminasyon laban sa mga ito.
Gayunman, sa kaso ng mga bading at tomboy na nadiskubre na lamang habang nasa serbisyo ang mga ito ay pinagbabawalan na lamang umakto ng malaswa lalo na at nasa duty na nakauniporme pa.
Aminado naman si Doria na may mga opisyal at miyembro ang PNP na mga bading at tomboy pero nang yari o di kaya naman ay nadidiskubre lamang ito habang nasa serbisyo na ang mga kinauukulan matapos ang mga itong makalusot sa mahigpit na pagsusuri sa pagpasok sa serbisyo ng PNP. (Joy Cantos)