Pondo ng automated polls aprub na!
MANILA, Philippines - Tuloy na ang automated elections sa May 2010 presidential polls matapos na maaprubahan ng Kongreso ang P11.3 bilyong supplemental budget na hinihingi ng Commission on Elections.
Ayon kay Comelec spokesman James Arthur Jimenez, labis na natutuwa ang komisyon sa naturang pinakabagong pangyayari kung saan nagbigay ito ng katiyakan sa Kongreso na magiging “transparent” ang Comelec sa gagawin nilang pagbili ng mga kagamitan na gagamitin sa automation.
Aniya, sisiguruhin nilang bawat hakbang nilang gagawin ay ipapaalam nila sa mga mambabatas, at ipapaliwanag din nila kung paano nila ito isasagawa upang matiyak na maka tutugon sila sa hinihinging “transparency.”
Nais rin aniya nilang matiyak na walang magrereklamo na nagkaroon sila ng “shortcut” sa mga proseso at upang makasiguro na rin na magiging matiwasay ang pagdaraos ng automation sa bansa.
Sisimulan na rin umano ng Comelec sa Abril ang bidding process para sa mga equipment na kanilang gagamitin, dahil kinakailangan umanong mag-doble kayod ang poll body bunsod na rin ng kakaunting panahon na natitira sa kanila upang magprepara sa darating na halalan.
- Latest
- Trending