MANILA, Philippines - Dapat umanong maghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa New Zealand Nursing Council matapos maliitin ng director nito ang mga Filipino nurses.
Gusto ni Senate President Pro Tempore Jose “Jinggoy” Estrada na humingi ng public apology si New Zealand Nursing Council Director David Wills matapos kuwestyunin ang kakayahan ng mga nurses na nagtatrabaho sa nasabing bansa.
“We should defend our countrymen, especially our OFWs, against this affront,” sabi ni Estrada, chair of the Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment.
Ang tanging pinagbasehan lamang umano ni Wills sa pagkuwestiyon sa kakayahan ng mga Filipino nurses ay ang biglang pagdami ng mga nursing students na mula 30,000 noong 2004 ito ay naging 450,000 noong 2008.
Sinabi umano ni Wills na ang New Zealand at iba pang overseas nursing authorities ay inihinto na ang pagpaparehistro ng Filipino nurses dahil sa kuwestiyon sa kanilang qualifications.
Napaulat pa na sinabi ni Wills na, “It is easier to get a fresh graduate from Kenya registered than someone from the Philippines.”
Sinabi ni Estrada na hindi niya tinatawaran ang kakayahan ng mga nurses sa Kenya, pero hindi naman umano dapat pumayag ang gobyerno na palampasin na lamang ang sinabi ni Wills.
Nakatanggap din ng reklamo ang opisina ni Estrada mula sa isang Filipino nurse na gumastos ng nasa $8,000 para sa pagpo-proseso ng kanyang aplikasyon para sa makapag-trabaho sa New Zealand pero tinanggihan ng Council kaya wala itong trabaho at naging overstaying alien pa sa nasabing bansa.
Sa pamamagitan ng telepono ay nakausap ni Estrada si Philippine Ambassador sa New Zealand na si Bienvenido Tejano at inulat nito na may 50 “distressed” overstaying Filipinos sa New Zealand at karamihan sa mga ito ay mga nurses na tinanggihang irehistro ng Council.
Nangangamba rin si Tejano na tataas pa ang bilang ng mga “distressed” Filipinos sa NZ dahil sa pagtanggi ng Council na irehistro sila.