6,000 baboy susunugin ngayon
Isasagawa ngayong araw ang pagpatay sa may 6,000 mga baboy sa Pandi, Bulacan na unang natukoy na tinamaan ng Ebola Reston Virus (ERV) ngunit posible umanong abutin ito ng isang linggo bago tuluyang matapos.
Ayon kay Dr. Eric Tayag, director ng National Epidemiology Chief (NEC) ng Department of Health (DOH), ang mga baboy ay papatayin sa pamama gitan ng sistemang “electrocuting” o gamit ang kuryente.
Pagkatapos ay saka ibabaon ang mga baboy sa may 30 metrong hukay sa loob mismo ng farm. Nabatid na batay na rin umano sa kautusan ng pamahalaan, hindi maaaring payagan ang media na i-cover ang pagpatay sa mga baboy upang maiwasan na kumalat pa lalo ang nasabing virus.
Iginiit ng DOH na mahigpit nilang iniiwasan na malantad ang tao sa mga maysakit na baboy. Posible rin naman aniya na abutin ng hanggang pitong araw bago tuluyang matapos ang pagpatay sa 6,000 baboy.
Samantala, muli rin namang iginiit ng DOH official na walang seryosong banta sa tao ang ERV at hindi rin aniya ito nagdudulot nang pagkakasakit sa tao.
Gayunman, dahil aniya sa epekto nito sa mga baboy, pinag-aaralan pa rin ng DOH at iba pang health experts ang maaring maging epekto ng virus sa tao.
Tiniyak naman ni Tayag na hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling maayos ang kondisyon ng kalusugan ng anim na katao na positibong nahawahan ng naturang virus. (Doris Franche)
- Latest
- Trending