Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa posibilidad na yanigin ng malakas na lindol ang Metro Manila dahil nasasakop ito ng ‘Valley fault‘ na maaring magdulot ng malaking pinsala sa ari-arian at buhay ng libu-libong residente.
Ang pahayag ay ma tapos yanigin kahapon ng umaga ng 5.0 magnitude na lindol ang lungsod ng General Santos sa Mindanao habang 4.9 magnitude naman na lindol ang tumama sa Luzon kamakalawa ng gabi at nasundan pa ng serye ng mga after shocks kahapon.
Sinabi ni Phivolcs Director Renato Solidum, ang Pilipinas, bilang isa sa mga bansa sa timog-silangang Asya ay bahagi ng tinatawag na “Ring of Fire” kung saan mataas ang volcanic activity at kalimitang niyayanig ng lindol.
Base sa kanilang istadistika, ang Pilipinas ay nagkaroon ng 90 mapaminsalang paglindol sa loob ng nakalipas na 400 taon. Nangangahulugan ito na sa pagitan ng 4-5 taon ay makakaranas ang bansa ng isang malakas na lindol.
“And one of the worst case scenario would be a magnitude 7.2 earthquake coming from the valley fault system (Marikina faultline),“ ani Solidum.
Ang epicenter ng lindol ay may lalim na 20 kilometro at tumama sa layong 10 kilometro ng Laoag City, Ilocos Norte o 192 kilometro ng Ilagan, Isabela.
Bunsod nito, umapela ang National Disaster Coordinating Center (NDCC) sa mga opisyal na seryosohin ang inilulunsad na ‘earthquake drill‘ sa mga paaralan at tanggapan ng gobyerno.
Napapanahon anya ang dril upang sanayin ang mga estudyante sa hindi inaasahang kalamidad gaya ng lindol.
“We need to practice etong ensayo sa earthquake drill because schools are really matter of great importance at any one time, let’s say kung sa araw dun ang malaking concentration ng kabataan and the potential for injury or worse is very high at any given time sa eskuwelahan,” ani Defense Secretary at NDCC Chairman Gilberto Teodoro Jr. na nanguna sa ‘earthquake drill’.