Batang Echiverri umapela sa MMDA: Sasakyan ng mga abogado i-exempt sa color coding
Hiniling ni Integrated Bar of the Philippines (IBP) member at anak ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri na si Atty. Juan Crisostomo “Juris” Echiverri sa pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na huwag nang isama ang mga sasakyan ng lahat ng mga abugado sa color coding na ipinatutupad ng nasabing ahensiya sa kalakhang Maynila.
Ayon kay Juris Echiverri na miyembro rin ng IBP, CALMANA (Caloocan-Malabon-Navotas) chapter, dapat na isaalang-alang ng MMDA na ang mga practicing lawyer ay nagbibigay ng libreng serbisyo publiko sa mga nangangailangan sa lahat ng oras.
Aniya, nagkakaroon ng problema ang mga abugado sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin dahil na rin sa color coding ng MMDA na kung saan ay hindi magamit ng mga ito ang kanilang mga sasakyan kapag natapat sa araw ng coding ang kanilang mga behikulo.
Ipinaliwanag pa nito, base na rin sa Memorandum Circular ng Supreme Court (SC), ang isang abugado ay kinakailangang magbigay ng libreng serbisyo publiko ng 60 oras sa loob ng isang taon.
Sinabi rin ng batang Echiverri na hindi lahat ng abugado ay mayaman na kayang bumili ng maraming sasakyan para lamang may magamit sakaling natapat sa color coding ang kanilang behikulo.
Umaasa sila na pagbibigyan ng MMDA ang kanilang kahilingan dahil marami sa ating mga kababayan ang mabibigyan ng sapat na serbisyo sakaling hindi na maisama sa color coding ang sasakyan ng mga abugado. (BQuejada)
- Latest
- Trending