Tututukan ng National Irrigation Administration (NIA), isang attached agency ng Department of Agriculture (DA), na malinis at walang halong anumang anomalya ang proseso ng bidding para sa pagbili ng P1.4 bilyon halaga ng supply at heavy equipment para sa pagsasaayos ng mga drainage at daluyan ng tubig ng mga sistemang irigasyon sa buong bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng NIA na ang mga alegasyon laban kay Administrator Carlos Salazar at Deputy Administrator Alex Reuyan ay walang ibang layunin kundi ang siraan ang dalawang opisyal sa pagganap sa kanilang tungkulin.
Ang dalawang opisyal, ayon sa NIA, ay naging mga target ng isang demolition job na inilunsad ng mga natalong bidder sa bidding na ginanap noong Enero 19.
Si Reuyan ang hepe ng bids and awards committee para sa multimilyong-pisong proyekto.
“Papano magiging scam ang proyektong ito samantalang hindi pa naman natatapos ang proseso ng bidding nito at hindi pa ito naigagawad sa kahit kaninong bidder,” sabi ng NIA.
Ayon pa sa NIA, hindi pumasa sa eligibility test ang Maxima Machineries dahil hindi ito nakapagsumite ng pinaka-importanteng requirement tulad ng Securities and Exchange Commission (SEC) registration papers. (Butch Quejada)