Sa kabila ng isyu ng political dynasty kung saan halos magkakamag-anak ang pumapasok sa pulitika at hindi bumibitiw sa posisyon, balak ng mag-amang sina Sen. Rodolfo Biazon at Muntinlupa Rep. Ruzzano Biazon na magpalitan ng posisyon.
Inamin kahapon ni Sen. Biazon na magtatapos na ang termino sa 2010 na tatakbo siyang kinatawan ng Muntinlupa samantalang ang kanyang anak naman ang tatakbong senador.
Magtatapos na rin ang termino ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., at posibleng muli nitong patakbuhin bilang senador ang natalong anak na si Atty. Koko Pimentel.
Sakaling manalo ang batang Pimentel, makakasama nito sa Senado si Sen. Juan Miguel Zubiri na iprinotesta niya ang pagkapanalo noong 2007 senatorial elections.
Idinadag naman ni Biazon na iilang letra lamang ang babaguhin sa signage ng bagong opisina sakaling manalong Congressman ng Muntinlupa dahil parehong letrang “R” nagsisimula ang kanilang pangalan.
Inaasahan naman na muling mauulit ang labanan ng mga Biazon at dating Press Secretary Ricardo “Dong” Puno Jr. sa Muntinlupa.
Sa susunod na taon (2010) sabay na matatapos ang termino ng mag-amang Biazon kung saan siyam (9) taon nanilbihan ang anak sa Kamara, katumbas ang tatlong (3) termino habang 12 taon sa Upper House ang senador. (Malou Escudero)