Inirekomenda kahapon ng blue ribbon committee ng Senado ang pagsasampa ng kasong plunder laban kay dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Joc-Joc” Bolante at walo pang katao na isinangkot sa P728 milyong fertilizer fund scam.
Gayunman, inabsuwelto ng komite sa anomalya si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Bukod kay Bolante, pinakakasuhan din ng komite sina Belinda Gonzales, Agriculture Undersecretary for Finance; Ibarra Poliquit, dating DA Assistant Secretary; Leonicia Marco Llarena, may-ari ng Dane Publishing House; Julie Gregorio at Redentor Antolin, president at vice president ng Feshan Philippines; Marilyn Araos; Maritess Aytona; at Jaime Paule.
Inirekomenda rin ang pagsasampa ng kasong technical malversation, money laundering at false testimony laban kay Bolante.
Sinabi ng tagapangulo ng komite na si Richard Gordon na, bagaman walang ebidensya na magdadawit sa Pangulo sa anomalya, dapat din nitong ipaliwanag kung bakit nabigo itong aksyunan ang anomalya.