MANILA, Philippines - Bagaman may taning na ang kanyang buhay bunga ng kancer sa obaryo, masaya na rin at natupad ang kahilingan ng isang 47-anyos na Ginang nang muli niyang makausap ang kanyang nawalay na asawang Hapones at naipagbilin ang kanilang 18-anyos na anak para sa maganda nitong kinabukasan matapos ang 14 taong pagkakawalay.
Sa tulong ng Japanese Child Support Foundation at Rotary Club of Malate, na pinamamahalaan ni Mercy Ong ay natunton ang kinaroroonan ng Japanese national na si Koichi Ikegami ng Oshiaga Sumidiko, Tokyo, Japan.
Sa pamamagitan ni Yasihuro Ishiyama, kinatawan at miyembro ng Rotary Club of Malate at nasabing foundation, personal na nagtungo ito sa Tokyo at natunton si Ikegami.
Bitbit ni Yasihuro ang mga dokumentong nagmula kay Tessie Bastes-Ikegami na kasalukuyang residente ng Purok Avocado, Mampising, Mabini, Comval, Davao.
Kinilala naman ni Ikegami si Tessie at ang anak niya rito na si Maiko. Dalaga na sa edad na 18 anyos si Maiko at meron na itong kinakasama.
Matinding iyak at kasiyahan ang nadama ni Tessie nang personal na magtungo si Ishiyama sa Davao upang sabihin ang magandang balita na nakita nito si Ikegami.
Nagkausap naman ang Ginang at asawang Hapon sa cellphone. Nagkabalitaan ang dalawa hinggil sa kanilang anak at sa sakit ni Tessie na may taning na ang buhay nang isa o dalawang buwan.
Matapos na humingi ng tawad sa kapabayaan sa asawa, nagbigay naman ng katiyakan ang Hapones na kanyang kukunin si Maiko at tutulungang makahanap ng trabaho sa Japan.
Si Tessie ay nagtungo bilang estudyante sa Japan noong Disyembre 2, 1987 hanggang 1989 at nakilala nito si Ikegami hanggang sa magpakasal ang dalawa sa Pilipinas. Nagkaroon sila nang anak pero pagsapit nito sa ikalimang taong gulang ay bumalik sa Japan si Ikegami at hindi na nagpakita sa mag-ina mula noon. (Ellen Fernando)