MANILA, Philippines - Naniniwala si Public Attorney’s Office Chief Atty. Persida-Rueda Acosta na may malakas na ebiden siya para mabago ang habambuhay na pagkabilanggong inihatol ng korte kina Rodolfo Lara at Roderick Licayan na nasentensyahan sa kasong kidnaping for ransom.
Tiniyak ni Acosta na iaapela niya sa Court of Appeals ang anggulong tinorture ng mga kagawad ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force ang mga akusado kaya ito umamin sa bintang na dinukot ng mga ito sina Joseph Co at Linda Manaysay noong Agosto 1998.
Noong Pebrero 17, 2009, sinentensyahan ni Marikina Regional Trial Court Judge Felix Reyes sina Lara at Licayan.
Isang butas ang naiprisinta ng PAOCTF sa pagharap ng extra-judicial confession ni Lara na hindi siya umano ang may gawa dahil hindi siya marunong bumasa at sumulat .
“Ang nagkaso sa ka nila ay PAOCTF, sa mga dokumento ng kaso, andun ang mga pangalang Michael Ray Aquino, Dandan, Tannagan, Mancao, at isang malaking pulitiko, andun ang ispiritu ng torture, si Lara diumano ay tinorture, kahit di marunong magbasa at sumulat ay kinunan ng extrajudicial confession. Yung lawyer na binigay ng PAOCTF ay Ilokano habang si Lara ay Ilonggo,” dagdag pa ni Acosta.
Idiniin niya na may hiwaga ang kasong nabanggit dahil malayang nakatakas ang mga umano’y biktima mula sa safehouse at ni hindi binantayan ng mga armadong kidnaper bukod pa sa walang ransom na ibinayad na umano’y hindi normal para sa isang kidnap for ransom case.
Natagpuang patay, aniya, sa bilangguan ang isa sa mga akusadong si Pedro Mabansag na tiyuhin ni Lara at may-ari ng safe house. (Ludy Bermudo)