MANILA, Philippines - Naghihintay umano ang trabaho para sa mga bagong mga nars na pumasa nitong nakalipas na Nursing Licensure Examination, ayon sa Department of Labor and Employment.
Tiniyak ni Labor Secretary Marianito Roque na nakahanda na ang DOLE sa programa nitong Nur ses Assigned to Rural Service upang mabigyan ng trabaho ang mga nursing graduate noong nakaraang taon na nakapasa ngayon sa board examination.
Target umano ng pamahalaan na makakuha ng 5,000 nurses para sa nasabing programa na magsisilbi sa mismong mga munisipalidad nila at makakuha ng clinical experience na magagamit sa darating na panahon tulad ng pagnanais na makapag-abroad.
Ilalagay ang 5,000 nurses sa sampung pinakamahihirap na lalawigan na kulang sa nurse.
Ani Roque, normal lamang hanapan ng experience ang mga nurse bago sila eempleyo kaya makakatulong umano ang programang NARS at hindi na kailangan pang magbayad sa alin mang ospital para lamang magkaroon ng clinical experience.
Umabot sa 39,455 ang pumasa sa nursing board na ginanap noong Nobyembre 2008 kaya hinihimok ng DOLE ang mga ito na mag log-on sa www.nars.dole.gov kung interesado na magsilbi muna sa kanilang kababayan. (Ludy Bermudo)