MANILA, Philippines - Kasong “reckless imprudence resulting in serious physical injuries” ang isinampa sa Makati Prosecutor’s Office ng isang Fil-American nurse laban kay Victoria “Vicky” Belo, 53, ng Belo Medical Group Inc. matapos na masira umano ang kanyang mukha nang sumailalim ito sa “Thermage procedure” sa nasabing klinika.
Nahaharap din sa parehong kaso ang isang Dr. Jennifer Sison, ang itinuturo ng nurse na si Leila Palaganas, 50, ng Flafsky Drive, Edison, New Jersey na nanghimok umano sa kanya at nagsagawa ng Thermage procedure sa kanyang mukha.
Sa pamamagitan ng sworn statement ni Palaganas sa Philippine Consulate sa Estados Unidos na nilagdaan ni Deputy Consul General Melita Sta. Maria Thomeczek, na nakabase sa New York, ay naisampa ang kanyang reklamo laban kina Belo at Sison.
Hihilingin din ni Palaganas sa Professional Regulations Commission na kanselahin ang mga lisensya nina Belo at Sison bilang mga doktor dahil sa umano’y “medical malpractice”.
Ayon kay Atty. Arnold Naval, abogado ni Palaganas, nakatakda ring maghain ng reklamo sa Department of Health ang kanyang kliyente para ipawalang-bisa ang sertipikasyon ng Belo Group na nakapag-operate ang naturang klinika.
Siya ay nakatakdang dumating sa sa Pilipinas sa Linggo mula US para personal na dumulog sa piskalya at panindigan ang reklamo. Humihingi si Pa laganas ng P20 M moral damages. (Ellen Fernando)