MANILA, Philippines - Pinagpapaliwanag ng Malacañang ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa naging batayan nito upang payagan ang pagtaas sa singil sa kuryente ang National Power Corp. (Napocor).
Sinabi ni Press Secretary Cerge Remonde sa media briefing, bagama’t isang independent body ang ERC ay nais ng Malacañang na magpaliwanag pa rin ito sa naging basehan para payagan ang power rate increase.
Ayon kay Sec. Remonde, pinayagan kasi ng ERC ang dagdag na singil na P.4682 per kilowatt hour sa Luzon grid; P1.1460 per KWH sa Visayas at P.7147 per KWH sa Mindanao. Sa mga Meralco areas ay magkakaroon ng dagdag na singil na P0.17 per KWH.
Ipapatupad ng Napocor ang new rates sa February 26-March 25 billing cycle habang mararamdaman naman ng Meralco customers ang dagdag na singil sa kanilang March 26-April 25 billing period. (Rudy Andal)