MANILA, Philippines - Nag-iiyakan na ang mga biyuda ng mga yumaong beterano ng World War II dahil sa sobrang pagkadismaya nang mabalitaan na hindi sila kabilang sa mabibig yan ng benepisyo ng pamahalaan ng Estados Unidos.
Kahapon, pasado alas-4 pa lamang ng madaling araw ay nagkukumahog na sa Camp Aguinaldo para pumila sa tanggapan ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) ang mga biyuda ng mga World War II veterans na uma asang makakahabol pa sila sa benepisyo kung saan ilan sa kanila ay nadapa pa.
Kaugnay nito, nangako naman si PVAO Administrator Ernesto Carolina na ipaglalaban pa rin ng pamahalaan ang karapatan ng mga biyuda o pamilya ng mga namatay na beteranong Pinoy para maiparating kay US President Barack Obama na ikonsiderang makatanggap rin ang mga ito ng benepisyo.
Alinsunod sa $198 compensation grant na nilagdaan ni Obama noong Martes, ang mga Filipino World War II veterans na buhay pa ang kuwalipikado na tumanggap ng kabayarang $15,000 kung US citizens at $9,000 naman sa mga nasa Pilipinas.
Sinabi ni Carolina na patuloy silang magla-lobby sa US government na kilalanin rin ang karapatan ng mga biyuda na tanggapin ang mga benepisyo ng kanilang yumaong mahal sa buhay na tumulong sa tropa ng Amerika sa pakikipaglaban noong panahon ng World War II.
Sa tala, 12,000 beterano ng WWII ang buhay pa sa Pilipinas habang aabot naman sa 6,000 ang naninirahan na sa Amerika.