Clemency inendorso na kay GMA: 10 Ninoy killers lalaya na rin
MANILA, Philippines - Inirekomenda na ni Justice Secretary Raul Gonzalez kay Pangulong Arroyo na mapagkalooban ng executive clemency ang 10 pang sundalo na sangkot sa pagpatay kay dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino.
Kalakip din ng rekomendasyon ng Kalihim ang unang endorsement mula sa Board of Pardons and Parole para sa presidential pardon.
Nilinaw ng kalihim na nakapagsilbi na ng sentensiya ang nasabing mga sundalo ng 25 taon, good conduct at time allowance kayat dapat na mabigyan na ng executive clemency ang mga ito.
Matatandaan na una nang pinalaya sina Rolando de Guzman at Felizardo Taran noong nakaraang Pebrero 6, 2009 sa pamamagitan ng executive clemency.
Bukod pa sa unang rekomendasyon ni Atty. Reynaldo Bayang, executive director ng Board of Pardons and Parole noong 1996, sinasabing qualified na sila for clemency at ang liham ng dating Pangulong Cory Aquino sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Atty. Fulgencio Factoran na nagsasabing pinapatawad na niya ang mga ito.
Lumalabas din sa findings ng Department of Health (DOH) at ospital ng National Bilibid Prison na nakakaranas na rin umano ng iba’t ibang uri ng sakit o “multiple serious diseases, tulad ng severe hypertension, diabetes, kidney disease, at cerebrovascular disease ang mga sundalo.
Kabilang sa 10 sundalong napipiit pa sa NBP ay sina Arnulfo Artates, Romeo Bautista, Jesus Castro, Ruben Aquino, Arnulfo de Mesa, Rodolfo Desolong, Claro Lat, Ernesto Mateo, Felomino Mi randa, Rogelio Moreno.
Lumiham din sa Pangulo si Bishop Efraim Tendero ng Phil. Council of Evangelical Churches kung saan hinihiling nito na mapalaya na rin ang 10 sundalo.
- Latest
- Trending