MANILA, Philippines - Hinimok ni Anak Mindanao party-list Rep. Mujiv Hataman ang Judicial and Bar Council (JBC) at si Pangulong Arroyo na i-rekomenda at magtalaga ng Muslim Associate Justice dahil may anim na mga Mahistrado ang magreretiro ngayon taon.
Sinabi ni Hataman, wala ni isang Muslim na natalaga sa kataas-taasan Hukuman sa loob ng 22 taon. Si SC Justice Abdulwahid Bidin lamang aniya ang natalaga sa puwesto noong 1987 matapos itong italaga ni dating Pangulong Cory Aquino kaya naman nakaupo ito sa Supreme Court at nagkaroon ng representasyon ang mga Muslim noon.
Ang pagbibigay representasiyon o pagtalaga sa mga Mahistradong Muslim ay kasama sa 1995 Peace Agreement at Republic Act 6743 o Autonomous Region in Muslim Mindanao law at ang 1976 Tripoli Agreement.
Sabi ni Hataman na makakatulong ng malaki sa peace and order sa Mindanao kung magkakaroon sila ng kinatawan sa SC. (Butch Quejada)