MANILA, Philippines - Nakatakdang sunduin ni Senator Manny Villar ang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong araw ng may 31 overseas Filipino workers (OFWs) na karamihan ay tumakas sa kanilang employer dahil sa sobrang pagmamaltrato at pang-aabuso sa Riyadh, Saudi Arabia.
Ayon kay Villar, kabilang sa mga darating ang Pinay domestic helper na si Gloria delos Santos, 41, ng Marilao, Bulacan na may matagal nang karamda man sa Saudi bunga ng matinding mahirap ng amo sa kanya sa trabaho.
Tinulungan ni Nacionalista Party President Villar ang mga OFWs na makauwi mula Saudi matapos na personal na lumapit ang asawa ni delos Santos na si Roger Gemina, isang waiter sa Manila Polo Club. dahil sa sitwasyon ng kanyang asawa na nakaratay sa holding center sa Riyadh.
Nakakuha ng pagkakataon si Gemina na makahingi ng tulong kay Villar nang maging guest speaker ang senador sa selebrasyon ng ika-35 anibersaryo ng Ubix noong nakaraang linggo na ginanap sa Manila Polo Club.
“Kapag nagpupunta po rito si Senator, ako po ang laging naa-assign sa kanya. Alam ko po na tumutulong siya sa OFW kaya naglakas ako ng loob na hingan siya ng tulong para sa asawa ko na may sakit,” ayon kay Gemina.
Nagkaroon si delos Santos ng luslos dahil pinagbuhat ng napakabibigat na dalahin paakyat sa ikatlong palapag ng bahay ng kanyang Arabong employer.
Ayon kay Gemina, itinuring na parang hayop ang kanyang misis ng kanyang employer dahil pinatutulog sa labas sa lugar kung saan siya naglalaba at hindi rin pinakakain sa oras. Dahil sa matinding kalupitan ng amo, tumakas si delos Santos at sumilong sa embahada ng Pilipinas doon.
Ayon kay Villar, handa pang tumulong ang kanyang tanggapan sa iba pang mga nagigipit na Pinoy workers. Sa gustong makipag-ugnayan sa kanya ay maaring tumawag o magtext sa OFW Helpline 09174226800. (Ellen Fernando/Butch Quejada)