MANILA, Philippines - Pala-absent, palaging late at mga puyat na opisyal at miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang uunahin sa ipinatutupad na random drug test.
Ito ang inihayag kahapon ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa kaugnay ng pinalakas na kampanya laban sa illegal na droga at upang walisin ang mga drug addict na pulis sa organisasyon.
Sinabi ni Verzosa na inatasan niya ang kanyang mga field commanders na iprayoridad sa listahan ng random drug test ang mga naturang police personnel at maging ang kanilang mga opisyal.
Binigyang diin ni Verzosa na maaaring gamiting isang indikasyon ang pagiging laging puyat ng mga pulis kung ito’y gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Gayundin kung pala-absent ang mga ito at palaging late sa trabaho kung saan ay kakatwa na ang kanilang ikinikilos na hindi na akma para sa modelong Mamang Pulis. (Joy Cantos)