First Gentleman suportado ng NGOs
MANILA, Philippines - Dalawa pang malalaking samahan ng mga non-government organizations na may 56,000 miyembro mula sa iba’t-ibang lugar sa bansa at sa abroad ang nagpahayag ng suporta kay First Gentleman Mike Arroyo.
Nanawagan din ang Crusade for a Better Philippines at Global Alliance of Overseas Filipino Workers sa mga kritiko ng Unang Ginoo na kung wala din lamang silang sapat na ebidensiya ay tumulong na lang sila dito sa charity work imbes na idawit ito ng idawit sa kung-anu-anong ikontrobersiya.
Sinabi ni Crusade Chair Michael Say at Allliance President Judy de Guzman na ang kailangan ng mahihirap ay tulong at mga taong tumutulong.
Sinabi ni Say na walang mapapalang buti ang mga mahihirap at nangangailangan sa walang katapusang intrigang ibinabato kay Ginoong Arroyo, na kahit isa naman ay walang napatunayan ang sinuman na tutoo.
Pinuna nI Say na sa pinakahuling bintang laban sa Unang Ginoo, mismong ang World Bank country director na si Bert Hoffman na ang umamin kay Sen. Miriam Defensor Santiago na walang ebidensiya ng katiwalian laban kay Mr. Arroyo sa mga anomalya umano sa bidding ng mga proyekto ng bangko. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending