Pagbasura sa Visiting Forces Agreement nirerebisa na
MANILA, Philippines - Siniguro kahapon ng isang Malacanang official na sumasailalim na sa pag-aaral ang Visiting Forces Agreement (VFA) dahil na rin sa lumalawak na pana wagan para sa pagbasura nito.
Sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita, sumasailalim na sa automatic review ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang VFA matapos na magdesisyon ang Korte Suprema kaugnay sa legalidad nito.
Ayon kay Sec. Ermita, hindi maaaring balewalain ng Palasyo ang lumalawak na panawagan para muling pag-aralan ito lalo na ang panawagang ibasura ang nasabing kasunduan.
Maging si Senate President Juan Ponce Enrile ay pabor din na rebyuhin ang VFA habang hinikayat naman ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang gobyerno na kumuha ng international law expert upang repasuhin ang nasabing kansunduan.
Dumarami ang nananawagan na ibasura ang VFA lalo na kaugnay na rin sa custody ni Lance Corporal Daniel Smith na na-convict sa kasong rape subalit hanggang ngayon ay nasa custody pa rin ng US embassy sa kabila ng desisyon ng High Tribunal na dapat ang gobyerno ang may kustodiya dito. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending