MANILA, Philippines - Inamin ni Filipino Chinese Bakery Association Inc. (FCBAI) president Marcos Ong na naghihingalo na ang industriya ng tinapay bunga na rin ng nararanasang global financial crisis.
Sa pulong Balitaan sa Tinapayan, sinabi ni Ong na nagsimulang bumagsak ang bakery industry matapos na tumaas ang presyo ng harina noong Hulyo 2007 na ngayon ay naglalaro ang presyo sa P850-P870 kada bag, mula sa dating P550 kada bag.
“To be honest, naghihingalo na talaga ang bakery industry sa bansa, ang global effect ng nagaganap na crisis, malaki ang tinamaan talaga. Matira ang matibay, pahabaan ng pisi,” ayon kay Ong.
Sinabi pa ni Ong na marami ng mga bakery ang nagsara ng kanilang negosyo ngayon.
Bukod sa mataas na presyo ng harina, naging problema din sa kasalukuyan ng mga panaderya ang kakulangan sa supply ng LPG.
Dahil dito, napipilitan naman silang isakripisyo ang sukat ng tinapay na kanilang ibebenta kung kaya’t nakakalungkot ding isipin na biktima dito ang mga consumers.
Kasabay nito, sinabi ni Ong na plano ng grupo na gawing “standard” ang sukat ng mga tinapay sa bansa, para maiwasan ang pagkalugi pa ng maraming bakery owner at matulungan din naman ang libu-libong small player ng bakery industry para maisalba ang kanilang mga negosyo. (Doris Franche)