MANILA, Philippines - Pagod na pagod na sa katatakbo at walang humpay na pagpapalipat-lipat ng taguan ang tatlong miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na isang buwan na ngayong bihag ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ICRC) sa lalawigan ng Sulu.
Ayon sa sources sa field, dumaraing na ng ma tinding pagod ang mga bihag na sina Swiss national Andreas Notter, Eugenio Vagni, Italian at ang Pinay Engineer na si Marie Jean Lacaba dahil halos buong araw na hindi ang mga ito nagpapahinga sa pagpapalipat-lipat ng taguan.
Ito’y sa dahilang natatakot umano ang grupo ni Abu Sayyaf Commander Albader Parad na makorner sila ng tumutugis na tropa ng militar, pahayag ng isang opisyal na tumangging magpabanggit ng pangalan.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa ring kinokordonahan ng tropa ng militar ang 4 kilometrong palibot ng kagubatan ng Indanan, Sulu na pinagtataguan sa mga bihag.
Samantalang umaabot sa 463 pamilya ang nagsili kas sa bayan ng Indanan sa takot na maipit sa bakbakan.
Kaugnay nito, nasa 219 pamilya o kabuuang 1252 katao na ang apektado ng hot pursuit operations ng mga elemento ng Philippine Marines laban sa kidnappers ng tatlong guro at ng Sri Lankan national na si Umar Jaleel na dinukot sa Basilan.
Base sa report ng National Disaster Coordinating Council, 107 pamilya o 542 katao ay mula sa Brgy. Langgung, Akbar, Basilan habang nasa 70 pamilya naman ang apektado sa bayan ng Mohamad Ajul ng lalawigan.
Ang nasabing mga lugar ang sinasabing pinagdalhan ng mga kidnappers sa kanilang mga hostages. (Joy Cantos)