MANILA, Philippines - Ikinatuwa kahapon ni Pangulong Gloria Arroyo ang pagpasa sa US Congress ng American Recovery and Reinvestment Act of 2009 kung saan nakapaloob ang $198M para sa mga Filipino World War II veterans.
Nakapaloob ang nasabing halaga sa $787 billion stimulus bill ng Amerika kung saan bibigyan ng one-time lump sum pay na $15,000 ang bawat Flipino WW II veterans na nasa Amerika at $9,000 sa bawat beteranong hindi US citizens na karamihan ay nasa Pilipinas.
Ayon sa Pangulo, sa kabila nang nararanasang krisis ng Amerika, naitama ang isang kamalian na pagsasantabi sa mga WW II veterans.
“Despite America’s economic challenges, the US Congress voted to correct a historic wrong and incorporate the lump-sum benefit for our veterans,” anang Pangulo.
Tama lamang aniya na kilalanin ang nagawa ng mga beterano noong WW II at pahalagahan ang kasaysayan.
Ang one-time $15,000 para sa bawat beteranong Filipino ay hindi kakaltasan ng buwis.
“Equity for the Philippine veterans of World War II is at hand… The passage of the bill in Congress culminates the many years of struggle that we have waged,” anang Pangulo.
Ayon pa sa Pangulo, tiyak namang lalagdaan ni US President Barack Obama ang nasabing panukalang batas kaya ikatutuwa ito ng mga beteranong Filipino.
Kabilang sa mga pinasalamatan ng Pangulo ay ang mga lider ng US Congress, at mga mambabatas na kinabibilangan nina Sen. Daniel Akaka, Rep. Bob Filner, Speaker Nancy Pelosi, Sen. Harry Reid, Sen. Richard Lugar, former senator Ted Stevens, Rep. Darrell Issa at Rep. Mike Honda na nagsulong ng panukala.