MANILA, Philippines - Binatikos ng isang pederasyon ng mga non-government organizations ang ginawang pag-walkout ni Sen. Panfilo Lacson sa Senate hearing ng kontrobersiyal na World Bank kahapon.
Sinabi ng Balikatan People’s Alliance na ang pag-alis ni Lacson sa hearing ay nagpalakas lamang ng paniniwala na walang matibay na ebidensiya ang senador sa paratang nitong sangkot si First Gentleman Mike Arroyo at ilan pang tao sa umano’y mga katiwalian sa bidding para sa World Bank reports.
“Malinaw na publisidad lamang ang habol ni Sen. Lacson sa mga paratang niya,” ayon kay Balikatan Chair Louie Balbago.
Sinabi ni Balbago na ang hearing na sana ang pinakamagandang pagkakataon para sa mga inakusahan ni Lacson na komprontahin siya sa mga pinagsasabi niya sa media.
“Subalit sa halip ay tumakbo si Sen. Lacson bago nakapagsalita ang mga akusado, at iniwang nakabitin sa ere ang kaniyang mga inakusahan para linisin ang kanilang mga pangalan,” ayon kay Balbago.