MANILA, Philippines - Inutos ni Pangulong Arroyo ang pagpapapatay ng mga ilaw sa lansangan kabilang na ang ilaw sa mga naglalakihang billboards at tarpaulins.
Sa ipinalabas na Executive Order 774, kinakailangan na patayin ang mga high-wattage lights sa mga kalsada at mga billboards pagsapit ng alas 9-ng gabi upang makatipid sa enerhiya at makaiwas sa masamang epekto ng mga nasabing ilaw na nagtataglay ng matataas na boltahe.
Kasabay nito, sinabi ni Mary Ann Alcordo-Solomon, pangulo ng Outdoor Advertising Association of the Philippines–Cebu Chapter na pabor sila sa nasabing kautusan dahil makakatipid din ang kanilang mga kliyente sa ganitong paraan.
Anya, sa ngayon ay nagbabayad ang kanilang mga kliyente ng halagang P1,500 kada buwan. Ngunit nakasaad pa rin sa EO 774 na kung ayaw ipapatay ng mga may-ari ng billboards ang mga ilaw nito pagsapit o pagkatapos ng 9pm ay kinakailangan magdadagdag ng bayad ang mga ito.
Gayunman, sinabi pa ni Solomon na unti-unti na rin nilang binababa ang naglalakihang tarpaulin sa billboards dahil na rin sa masamang panahon at para maiwasan ang aksidente.