Tulong ng US sa 3 ICRC workers hingi

MANILA, Philippines - Dapat na umanong hingiin ng Pilipinas ang tulong ng Amerika para masagip na ang mga kinidnap na miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC).

Sinabi ni Senate Mi­nority Leader Aquilino Pimentel Jr., malaki ang ma­itutulong ng intelligence at surveillance equipment ng US military para ma­tukoy ang kinaroroonan ng mga kidnaper at mga bihag.

Sinabi ni Pimentel na hindi naman kailangang mag-deploy ng tropa ang mga Amerikano sa Minda­nao pero maaari silang tumulong sa pamamagitan nang pagpapagamit ng kanilang high-tech spy at surveillance equipment.

Ayon kay Pimentel, nasa terms of reference naman ng joint Balikatan military exercises sa ilalim ng Visiting Forces Agreement ang guidelines ka­ugnay sa pagpapalitan ng intelligence information sa pagitan ng Pilipinas at ng Amerika lalo na sa pag­laban sa terorismo.

Ayon pa kay Pimentel, nagamit ang spy planes at iba pang intelligence gathering gadgets ng Amerika sa pagtukoy sa mga Abu Sayyaf na kumidnap sa mga banyaga na kabilang si Grace Burnham at namatay nitong asawang si Martin, ilang taon na ang nakakaraan.

Aminado si Pimentel na kulang ang mga ka­gamitan ng military at ma­hihirapan ang mga ito na matukoy ang kinaro­ro­onan ng mga kidnappers at mga miyembro ng ICRC kung hindi pa hihingi ng tulong sa Amerika. (Malou Escudero)

Show comments