MANILA, Philippines - Dinismis ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ang kasong kudeta na naisampa kina Atty. Homobono Adaza at apat na iba pa noong nakaraang taon.
Sa desisyon ni QCRTC Judge Samuel Gaerlan ng Branch 92, sinabi nitong hindi kinakitaan ng korte na sina Adaza at kanyang kapwa akusado ay nagplano para sa pagsasagawa ng kudeta.
Ani Judge Gaerlan, may malaking pagkakaiba sa kasong pagplano ng kudeta at sa sinasabing plano ni Adaza na popondohan nito ang isasagawang kudeta.
Anya, wala namang nakasaad sa Revised Penal Code hinggil sa paglalagak ng pondo para sa pagtataguyod ng kudeta kaya walang kaso na maiidiin kina Adaza, Lt. Col. Oscar Mapalo, dating Police Supt. Rafael Cardeño at retired Colonels Ernie Amboy at Cesar de la Peña.
Ang mga ito ay sinasabing utak sa planong kudeta noong maaresto sa Holiday Inn noong isang taon.
Sa kanyang desisyon, sinabi ni Gaerlan na sina Atty, Raymond Fortun at co-complainant Joanne Laurilla ay bigo na patunayan sa korte kung paano nagka roon ng kasong kudeta ang mga akusado. (Angie dela Cruz)