MANILA, Philippines - Pinakamaraming panukalang batas at resolusyon na naihain ngayong 14th Congress sa Senado sina Senador Miriam Defensor Santiago at dating Senate President Manny Villar, Jr.
Ito ay batay sa pinakahuling listahan ng Bill and Index division ng kapulungan nitong Enero 29 kung saan umabot sa 4,468 ang lahat ng panukalang batas at resolusyon na inihain ng lahat ng 23 senador.
Sa listahan, nakapagtala si Santiago ng 895 panukalang batas at resolusyon, 547 naman kay Villar na abala rin sa pagtulong ngayon sa mga nais magnegosyo dahil sa krisis sa ekonomya.
Sumunod kay Villar si Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na may 534 resolusyon at panukalang batas. Sinundan siya ni Sen. Legarda (286) at pang-5 si Sen. Francis “Chiz” Escudero; Joker Arroyo (pito); Alan-Peter Cayetano (20); Benigno “Noynoy” Aquino III (36); Senate President Juan Ponce Enrile (67).
Una rito, pinag-initan ni Senador Jamby Madrigal sina Villar at magkapatid na Alan at Pia Cayetano dahil sa pag-alis sa plenaryo matapos ang roll call.
Nagtataka si Pia kung bakit pinag-iinitan sila ni Madrigal kapag bumabalik sa kanilang opisina para magpahinga kapag may mahabang pagdinig na ginawa o may kinakausap na bisita.
Sa ilalim ng patakaran ng Senado, kailangan ang hindi bababa sa 13 senador na present sa plenaryo upang magkaroon ng quorum.
Sinabi ng isang tagamasid na kung dadalo lamang ang 15 kasapi ng mayorya ay hindi na kakailanganin ang presensya ng anim na kasapi ng minorya na kinabibilangan nina Villar at magkapatid na Cayetano na sumusuporta naman kay minority leader Aquilino Pimentel. (Malou Escudero)