Durugistang pulis walang 2nd chance kay Verzosa
MANILA, Philippines - No 2nd chance!
Ito ang mahigpit na babala kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Jesus Verzosa laban sa mga pulis na gumagamit ng illegal na droga.
Sinabi ni Verzosa na kailangang magsipag-reporma o magbago sa naturang masamang bisyo ang nasabing mga adik na pulis kung hindi ng mga ito nais na mapatalsik sa serbisyo.
Ayon kay Verzosa, ipagpapatuloy ng PNP ang sorpresang drug test sa kanilang mga tauhan upang mabatid kung gaano kalala ang paggamit ng illegal na droga sa organisasyon ng pambansang pulisya.
“Drug users have no place in PNP. We should serve as role models to the public. Change your ways or face dismissal,” ayon pa kay Verzosa.
Nauna nang ipinag-utos ni Verzosa ang pagrerebisa sa umiiral na istratehiya ng PNP upang matugunan ang problema kontra sa illegal na droga.
Binigyang diin ni Verzosa na mahigpit na tatalima ang PNP sa ipinag-utos na all out war ni Pangulong Arroyo laban sa pamamayagpag ng illegal na droga.
Samantalan , mananatili naman ang pagpapairal ng “One Strike Policy“ sa lahat ng PNP unit Commanders na mabibigong makatugon sa anti-drug operations sa lugar na kanilang nasasakupan. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending