Paule bigong maaresto ng Senado
MANILA, Philippines - Bigo ang tropa ng Senate sergeant-at-arms na maaresto si Jaime Paule, ang sinasabing liaison officer ng Malacañang na sangkot sa maanomalyang P728M fertilizer fund scam.
Bitbit ang resolusyon ng Senado, nilusob ng grupo ni retired Col. Jaime Dima cali ang pagsisilbi ng warrant of arrest sa tahanan ni Paule na matatagpuan sa 907 Jamaica St., Vermont Executive Village, Antipolo City alas-8 ng umaga kahapon.
Tanging naabutan ng mga ito ay ang isang anak at pamangkin dahil wala umano sa nasabing tahanan si Paule at nag-out of town. Ngunit, iginiit ni Dimacali na kailangan nilang ibigay ang arrest order laban kay Paule base sa kautusan ng Senado.
Noong Martes ng gabi nilagdaan ni Senate President Juan Ponce Enrile ang warrant of arrest laban kay Paule.
Sa mga nakaraang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, patuloy na itinatanggi ni Paule na sangkot siya sa fertilizer fund scam at maging ang mga personalidad na binabanggit sa transaksiyon ay hindi umano niya kakilala. Naninindigan naman si Dimacali na naroon sa kanilang bahay si Paule at hindi umano sila aalis sa nasabing lugar hanggang hindi nila ito nakukuha kahit umabot pa ito ng ilang linggo.
Nais ipaaresto ng mga senador si Paule dahil sa pagsisinungaling umano nito sa pagdinig ng maanomalyang kontrata ng fertilizer.
Sakaling mahuli si Paule, ikukulong ito sa Pasay City Jail o sa Muntinlupa City at hindi sa Senado.
Kaugnay nito, kukuwestyunin naman ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Paule, sa Korte Suprema kung bakit sa Pasay City Jail ikukulong si Paule sa halip na sa Senado.
Kukwestyunin din ni Topacio ang validity ng warrant of arrest habang mag hahain sila sa hukuman ng petition for certiorari o writ of habeas corpus.
Habang isinusulat ang balitang ito, sinabi ni Topacio na noong Martes pa naka-confine sa St. Lukes’ Medical Center si Paule. (Ricky Tulipat/Malou Escudero)
- Latest
- Trending