IMUS, Cavite, Philippines — Naglunsad ang lokal na pamunuan ng bayang ito ng isang agresibong kampanya laban sa ipinagbabawal na droga na pinalalaganap ng mga drug pushers maging sa loob ng mga kumpanya at ibat-ibang establishments na bumibik tima sa mga manggagawa.
Sinabi ni Mayor Manny Maliksi na ang kampanya ay kailangan upang mabigyan ng proteksyon ang mga employers at ganun din naman ang mga manggagawa kaugnay na rin ng mga ulat na ang ilang mga aksidente na naganap kamakailan sa loob ng mga kumpanya ay may kaugnayan sa paggamit ng droga o di kaya naman ay pagka-lasing.
Ang ilan sa mga manggagawang maaring unahing isailalim sa random drug testing ay mga construction workers, drivers at mga empleyado ng ibat-ibang establisyemento na naugnay kamakailan lang sa mga aksidente na pinaghihinalaang dulot ng pag gamit ng bawal na gamot.
Hinimok din ni Maliksi si Vice Mayor Mandy Ilano na kaagad kumbinsihin ang sangguniang pambayan na bumalangkas ng ordinansa na magbibigay ng parusa kaugnay ng paggamit ng droga at mga nakakalasing na alak sa trabaho.
Ipinahayag naman ni Vice Mayor Ilano ang kanyang pagsuporta sa planong drug testing sa mga manggagawa lalo na iyong pinaghihinalaang nasa ilalim ng impluwensiya bago pa man siya pumasok ng work site.
Sumang-ayon din si Councilor Dondon Yambao, na isang dating union leader, sa panukalang drug testing sa mga manggagawa.