MANILA, Philippines - Binutata ni QC Treasurer Victor Endriga ang isang konsehal ng lunsod nang makialam ang huli sa usapin ng pagkolekta ng wastong buwis sa Quezon City.
Ito ay makaraang ipatawag si Endriga ng konseho nitong nakalipas na araw ng Lunes upang gisahin ito kaugnay sa sinasabing sobrang taas umanong singil sa buwis na ipinatutupad nito sa lunsod.
Ipinunto raw kasi ni QC 4th District Councilor Janet ‘Babes’ Malaya kay Endriga na walang legal na basehan ang taktikang ipinatutupad ng City Treasurer’s Office (CTO) hinggil sa tax collection system sa lunsod.
Iginiit naman ni Endriga na ang kanyang ipinatutupad na singil sa buwis ay base na rin sa Quezon City Revenue Code na binalangkas ng QC Council.
Animo’y ipinamukha rin umano ni Endriga kay Malaya ang kanyang 40 taon na serbisyo sa Treasurer’s Office ng Lungsod ng Maynila, Pasig City at Quezon City.
Bago matapos ang pagdinig, inihirit pa ni Endriga na ang kanyang sentido-kumon ang kaagapay ng kanyang 40 taon na serbisyo sa larangan ng pagkolekta ng wastong buwis.
Magugunitang lubog sa kumunoy sa utang ang lungsod nang manungkulan si QC Mayor Feliciano Belmonte noong 2001 subalit pagkaraan lamang ng isang taon ng panunungkulan ni Belmonte ay umapaw ang kaban ng lungsod na nanatili hanggang sa kasalukuyang number 1 bilang pinakamayamang lunsod sa buong Pilipinas sa tulong na rin ng abilidad ni Endriga. (Angie dela Cruz)